Ni Edgar Calabia Samar
Bago pa man ako nagsulat ng mga nobela, mas nauna akong nalubog sa pagsusulat ng tula. Sa mga tula ko unang pinag-isipan ang mga nilalang ng dilim sa ating mga kuwentong-bayan, tulad ng tiyanak. Noong 2004, nagtamo ng grand prize sa Palanca ang aking koleksiyon ng tulang “Tayong Lumalakad Nang Matulin.” Binubuo ito ng sampung tula na isa-isang pinagmumunian ang saysay ng mga larawang ito ng ating pinakamatitinding tákot at pagnanasa. Ikasiyam na tula sa koleksiyon ang Katiyakan ng Tiyanak:
Napakalungkot ng katiyakang ito. At narito na noon pa man ang ubod ng pagtingin ko sa tiyanak bilang munti man ay may nakapanliliit namang kapangyarihan. Pagkatapos ko ngang bunuin ang aking tesis sa MA noong 2004 na pinagmulan ng koleksiyong kinabibilangan ng tulang ito, napunta ang interes ko sa nobela. Halos maubos ang oras at lakas ko sa pagsusulat ng nobela. Isa sa mga pangunahing dahilan ko noon ay para makapaglaro sa himig. Kung bakit hirap na hirap akong maging hindi seryoso kapag tula ang sinusulat.
Nasa Estados Unidos ako at tinatapos ang unang borador ng ikalawa kong nobela noong 2010 nang maisipan kong muling tumula. Naghahanda rin ako noon ng papel para sa isang panayam tungkol sa ugnayan ng nobela at tula. Nasiyahan ako sa kinalabasan, na-miss ko rin pala ang bisa ng mga linya. Nasiyahan din ako sa mismong pagtatangka kong tingnan ang kakatwa sa mga nilalang na tulad ng tiyanak. Na komiko ang mismong takot natin sa kaniya, kahit pa hindi binabawasan noon ang ligalig na dala ng presensiya nila. Narito ang tulang nasulat ko’t pinamagatang Tagpo:
Tulad sa tula, buong buhay ko halos pasan ang larawan ng tiyanak sa aking isip, mula sa aking pagtula hanggang sa mga nobela. Ginamit ko siya sa simula ng una kong nobela, ang Walong Diwata ng Pagkahulog (Anvil Publishing, 2006). Subalit ngayon, sa paglalathala ng kauna-unahan kong YA novel, ang Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon, sinubok kong lumampas lang sa pagharap sa tiyanak. Tinangka kong unawain ang pinagmulan niya, at humubog ng isang buong mito na umiikot sa dilim ng kaniyang yungib na pinagmulan. Magustuhan sana ninyo ang nobela, at abangan ang susunod pang pakikipagsapalaran ni Janus laban sa mga nilalang ng dilim!
***
May 10 - National Book Store SM North
May 17 - National Book Store Glorietta 5
***
SI
JANUS SILANG AT ANG TIYANAK NG TÁBON
Kuwento
ni Edgar
Calabia Samar
Inilimbag
ng Adarna
House, Inc. (2014)
Tungkol sa Aklat/Blurb
Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng
Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang
naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sai ba’t ibang
panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga
nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga
matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng
kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!
Tungkol
sa Manunulat
Si Edgar Calabia Samar ay ipinanganak sa
Lungsod San Pablo at nakapagsulat na ng dalawang nobela, ang Walong Diwata ng
Pagkahulog (2009) at Sa Kasunod ng 909 (2012). Itong Janus Sílang series ang una
niyang kathang YA. Nagtuturo siya ngayon ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa
Ateneo de Manila University. Mahigit sampung taon na ang nakararaan nang una siyang
makakilala ng isang Púsong.
*Maaaring i-like sa FB ang Janus Sílang Series sa http://www.facebook.com/ JanusSilang. Maaari ring i-follow si Edgar Calabia Samar sa @ecsamar sa Twitter. Bisitahin ang edgarsamar.com para sa iba pang akda ni Samar.
No comments:
Post a Comment