Matagal ko nang gustong makapagsulat ng nobela na tingin ko’y babasahin at magugustuhan ng mga kaibigan ko sa San Pablo, lalo pa iyong mga hindi naman talaga mahilig sa pagbabasa. Bukod dito, lagi kong naaalala na ipinagtutulakan ako noon ni Sir Rene Villanueva, lalo pa nang maging magkaklase kami sa PhD hanggang bago siya mamatay, na magsulat nga raw ako ng YA novel dahil hindi ito gaanong napagtutuunan ng pansin sa atin, lalo pa sa Filipino. Produkto ang Janus Sílang Series ng ganoong motibasyon. Masyadong pa-literary ang mga una kong akda, mapatula o nobela man. Ngayon, gusto kong maunawaan kahit ng isang karaniwang teenager. Kapag binasa niya ang nobela ko sa halip na mag-DOTA sa loob ng kung ilang oras, alam kong hindi nasayang ang panahon ko sa pagsusulat nito. Pagkatapos niyang magbasa at habang hinihintay ang Book 2, puwede na ulit siyang mag-DOTA muna.
2. Gaano kahalaga sa tingin mo na matutunan ng mga Pilipino ang tungkol sa ating mga sariling alamat at "folklore" gaya nitong Tiyanak ng Tabon?
May dahilan kung bakit may mga kuwentong hindi tayo iniiwan kahit akala nati’y nakalimutan na natin. Isang paraan ng pagpapaliwanag ang mga alamat sa ubod ng ating pagkatao, sa kung ano iyong nasa sentro’t nagpapabilis ng tibok ng ating puso dahil sa matinding tákot o pananabik. Para sa akin, ang pagbabalik ko sa mga tauhan ng ating mga alamat ay pagkilala na bukál sila ng pagpapakahulugan, at kung ehersisyo ng pagiging tao ang pagbibigay-kahulugan, ibig sabihi’y tinuturuan akong magpakatao ng mga halimaw na ito.
3. Ano pa ang maasahan ng mga mambabasa sa susunod na parte ng Janus Silang series?
Asahan ninyong lalawak pa ang mundo ni Janus. Hangga’t maaari, ayokong magbigay ng spoiler lalo pa sa mga hindi pa nababasa ang Book 1, pero tinitiyak kong kung nagulat kayo sa mga nangyari lalo pa sa dulo nitong unang libro, lalong kapana-panabik ang mga susunod. Natapos ko na ang first draft ng Book 2 noong isang buwan. Ang tentatibong pamagat nito’y Si Janus Sílang at ang Digmaang Manananggal–Mambabarang. Akala mo’y alam mo na ang totoong hinaharap ni Janus pagkatapos ng Book 1, pero matutuklasan mong hindi pa pala. Maraming-marami ka pang kailangang malaman. Abangan at subaybayan sana ninyo ang serye!
SI
JANUS SILANG AT ANG TIYANAK NG TÁBON
Kuwento
ni Edgar
Calabia Samar
Inilimbag
ng Adarna
House, Inc. (2014)
Tungkol sa Aklat/Blurb
Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng
Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang
naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sai ba’t ibang
panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga
nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga
matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng
kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!
Tungkol
sa Manunulat
Si Edgar Calabia Samar ay ipinanganak sa
Lungsod San Pablo at nakapagsulat na ng dalawang nobela, ang Walong Diwata ng
Pagkahulog (2009) at Sa Kasunod ng 909 (2012). Itong Janus Sílang series ang una
niyang kathang YA. Nagtuturo siya ngayon ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa
Ateneo de Manila University. Mahigit sampung taon na ang nakararaan nang una siyang
makakilala ng isang Púsong.
Bookstore
Tour Dates
May 10 - National Book Store SM North
May 17 - National Book Store Glorietta 5
*Maaaring i-like sa FB ang Janus Sílang Series sa http://www.facebook.com/ JanusSilang. Maaari ring i-follow si Edgar Calabia Samar sa @ecsamar sa Twitter. Bisitahin ang edgarsamar.com para sa iba pang akda ni Samar.