Tuesday, February 17, 2015

Bob Ong - "Si" -- Book Review

Si

Title: Si
Author: Bob Ong
(Paperback available in bookstores for P180)

Bilang isang masugid na tagasubaybay ng mga naisulat ni Bob Ong, masasabi kong itong ika-sampung libro ang isa na sa mga paborito ko ngayon, bukod sa Macarthur. 

Nakakatuwang isipin na napakalaki na ng pinagbago ng istilo ng pagsusulat ni Bob Ong. Nakakatuwa rin na hindi siya natatakot sumubok ng iba't-ibang genre, upang sa gayon ay di rin siya maikahon sa isang istilo lamang. Naisip kong maaring simple lamang ang kwento nito, pero natuklasan ko na kahit napakaikli at simple ng titulo nito ay naglalaman ito ng mga bagay na higit pa sa iniisip mo. 

Napakagaling ng istilo niya ng pagsusulat dito--talagang mapapaisip ka. 

Sa mga unang pahina pa lamang ng libro, naramdaman ko na ang lalim ng librong ito. Ito ay isang istorya na talagang kukurot sa iyong puso at mag-iiwan ng marka. Sa totoo lang, di ko yun inasahan noong una dahil akala ko ito ay isang simpleng kwento lamang ng dalawang taong nagmamahalan, pero mali pala.

Oo, kwento ito ng pagmamahal, pero hindi ito para lamang sa mga mag-karelasyon. Hindi rin sa mga kinasal na, o dahil lang sa pagmamahal sa pamilya. Pagmamahal ito na magbubukas ng isipan natin sa katotohanan na ang bawat desisyon ay maaring maging dahilan ng mga susunod pang mangyayari sa buhay ng tao. Natutunan ko na ang pagmamahal, na ang mga desisyong gagawin natin, at kung ano mang mangyayari sa buhay natin ay magkakakunekta; na pwedeng akala natin na wala lang ang isang bagay, ngunit may mas malalim itong kahulugan. Na ang ginawa mo kahapon ay maaaring magdikta ng mangyayari sa hinaharap--pero hindi ito ibig sabihin na wala ka nang iba pang magagawa. Hindi ba't ganyan naman talaga ang buhay? Ito ay binubuo ng samu't saring istorya na galing rin mismo sa buhay mo, at yan rin ang dahilan kaya mas nagiging makabuluhan ito, kahit na di natin maintindihan minsan.

Pagdating sa pinakadulong pahina, imposibleng hindi ka mapatigil. Imposibleng di ka mapaisip. Imposibleng hindi ka magbalik tanaw sa mga naging desisyon mo, at sa magiging desisyon mo pa. At para sa akin, yan ang pinkamagandang bagay sa librong ito.

Ang problema ko lamang ngayon ay ang pag-aantay...sa ika-labing-isang libro. 



No comments:

Post a Comment